Sinibak sa pwesto ang hepe ng Ermita Police Station na si Commander Ariel Caramoan, dahil sa hindi nasunod na social distancing protocol sa tinaguriang Manila Bay white sand beach.
Kinumpirma ni Manila Police District director Rolando Miranda ang paghahain ng administrative relief sa nasabing opisyal matapos dumugin ng publiko ang atraksyon, nang hindi sinusunod ang panuntunan ng pamahalaan.
Nitong Sabado nang pansamantalang buksan sa publiko ang bagong tourist spot na nagkakahalaga ng P389-million. Ngayong araw din ito nakatakdang isara para matuloy pa ang pagsasagawa ng proyekto.
Ang puting buhangin na inilagay sa dalampasigan ng Manila Bay ay gawa sa dinurog na dolomite boulders mula Cebu.
Ayon sa Department of Health (DOH), mapanganib ang pinong porma ng dolomite sand kapag humalo ito sa hangin at nalanghap ng tao.