-- Advertisements --

Pansamantalang sinuspinde ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang koleksyon ng Green Energy Auction Allowance (GEA-All) sa mga electric bill sa Mayo at Hunyo 2026.

Ang GEA-All ay singil na ginagamit para pondohan ang mga renewable energy projects tulad ng solar, wind, at hydro sa bansa.

Ayon sa ERC, layunin ng hakbang na ito na mabawasan ang gastusin ng mga konsyumer sa kuryente sa gitna ng tumataas na presyo ng bilihin at global economic pressures.

Sinabi ng ERC na sapat pa ang pondo ng GEA-All, na nasa humigit-kumulang P466.49 million, upang masagot ang mga obligasyon sa mga renewable energy developers sa panahon ng suspensyon.

Ayon kay ERC Chairperson Atty. Francis Saturnino Juan, makakatulong ang hakbang para maibsan ang bigat ng bayarin sa kuryente habang patuloy pa rin ang suporta sa paglipat ng bansa sa malinis na enerhiya.

Muli pang rerepasuhin ng ERC sa Hunyo kung maaari pang palawigin ang suspensyon depende sa kalagayan ng pondo nito.