-- Advertisements --

Hinimok ni Energy Regulatory Commission (ERC) Chairperson Agnes Devanadera ang pamahalaan na mag-develop ng bagong pagkukunan ng source ng enerhiya para maibsan ang pagtaas ng singil sa kuryente.

Ayon kay Devanadera, kailangan itong tutukan ng pamahalaan lalo na’t tumataas na rin ang singil sa kuryente at posibleng ito ang solusyon para mapababa.

Una rito, inanunsiyo ng Manila Electric Co. (Meralco) noong Huwebes na magtataas na ang kanilang singil sa kuryente sa gitna na rin ng pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Aabot sa P0.06 kada kiloWatt-hour (kWh) ang idadagdag ng Meralco o P9.64/kWh mula sa dating P9.58/kWh noong Pebrero.

Malaki rin aniya na tulong ang “adoption” ng bansa sa nuclear power pero kailangan pa rin ng safety measures bago ito gamitin.

Paliwanag niya, mura ang singil sa kuryente kapag gumamit ng nuclear energy pero nakasalalay naman dito ang seguridad ng mamamayan.

Una rito, nag-isyu si Pangulong Rodrigo Duterte ng Executive Order 164 na layuning i-tap ang nuclear power para maging bahagi ng energy resource mix ng bansa.

Sa kabilang banda, ipinanukala naman ng Department of Energy ang pagbuo ng magkahiwalay na ahensiya na tututok at mag-regulate sa nuclear power industry.