Posibleng sa Enero sa susunod na taon na umano mararamdaman ang epekto ng cessation ng supply deal sa pagitan ng Manila Electric Company (Meralco) at San Miguel South Premier Power Corp. (SPPC).
Ngayong linggo lamang nang ianunsiyo ng San Miguel Corp. na inihinto na nila ang kanilag 670-megawatt (MW) power supply agreement (PSA) sa Meralco.
Kasunod na rin ito nang pag-isyu ng Court of Appeals (CA)ng temporary restraining order na nagsususpinde sa power supply agreement sa loob ng 60 araw.
Ayon kay Meralco public relations head Claire Feliciano, kailangan daw munang hintayin ang paggalaw hanggang matapos ang supply month.
Una nang sinabi ng Meralco na nakikipagnegosasyon ang mga ito sa power generation companies para punan ang 670-MW supply na nawala sa kanila kasunod ng pagtatapos ng power supply deal ng South Premier Power Corp.
Nagbunsod ito ng potential price increase sa bayarin sa kuryente.
Sa ngayon, sinabi ng power distributor na patuloy ang kanilang paghahanap ng solusyon para matugunan ang supply na cover ng power supply agreement mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).
Sinabi ni Feliciano na ang South Premier Power Corp supply contract ay mayroong 12 percent na total power supply ng Meralco.
Una na ring sinabi ni Energy Regulatory Commission (ERC) chairperson Monalisa Dimalanta na dahil sa patataas ng bayarin sa kuryente, ang mga Meralco customers na komokonsumo ng 200 kilowatt-hours ay asahan na ang P60 hanggang P80 na karagdagang bayad.
Ito ay dahil na rin sa suspension ng Meralco-SPPC supply deal.
Muli namang iginiit ni Feliciano na nakikipagnegosasyon na ang Meralco Sa mga power generation companies para mapunan ang 670-MW supply na nawala sa South Premier Power Corp dahil sa pagtatapos ng power supply deal.
Sa kabila nito, tiniyak naman ng Meralco sa mga costumers na walang mararanasang power interruptions o mga brownout.
Nag-ugat ang desisyon ng CA sa petition ng South Premier Power Corp na humihiling ng temporary relief matapos ibasura ng ERC ang kanilang mga hirit kasama ang San Miguel Energy Corp., at ang pagtataas ng Meralco ng generation charge dahil sa mataas na presyo ng coal at natural gas materials na ginagamit para makapag-produce ng elektrisidad.
Pero sinabi naman ng ERC na ang napagkasunduang presyo sa power supply agreement ay fixed by nature at ang grounds para sa increase na nakasaad sa South Premier Power Corp at Meralco ay hindi kasama sa mga exceptions na magpapahintulot sa price adjustment.