Muling nagpaalala ang EcoWaste Coalition sa publiko ukol sa mga binibiling school supplies na gagamitin ng mga mag-aaral sa nalalapit na pasukan.
Ginawa ng nasabing grupo ang nasabing paalala, ilang linggo bago ang nakatakdang pasukan bago ang Agosto-29 ng kasalukuyang taon.
Paalala ng grupo sa mga ginang ng tahanan, ugaliing suriin ang mga binibiling school supplies, kasama na ang label at product standards, maging ang mga nilalaman ng mga nasabing produkto.
Babala ng grupo na may mga school supplies kasi na kanilang nakitaan ng mga toxic chemicals at hindi angkop sa mga batang gagamit sa mga ito.
Kinabibilangan ito ng mga notebook na may mataas na content ng PVC plastic, mga lapis na may mataas na heavy metal content, at mga krayola na naglalaman ng tingga.
Ayon sa grupo, dapat ay i-prayoridad ng mga ginang ng tahanan ang pagbili ng mga produktong ligtas para sa kanilang mga anak, at hindi lamang nagbabase sa mababa o murang presyo.
Umapela rin ang grupo sa mga manufacturer na tiyaking ligtas at toxic-free ang kanilang mga produkto, upang maiwasan ang anumang problema sa kanilang kalusugan.