May alok din na tulong ang Department of Science and Technology (DOST) para sa mga returning Pinoy overseas workers na nais mag-negosyo habang nasa gitna ng COVID-19 pandemic ang bansa.
Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni Science Sec. Fortunato dela Peña na “technology-based” ang negosyo na pwedeng pasukan ng mga OFW.
“When I say technology-based it might take a wide range. It could mean food processing, it could be metal working, or fabrication, it could be in electronics. It could be in furniture and other housewares. It can be in the field of agriculture. They can also do services,” ayon sa kalihim.
Sa ilalim ng nasabing inisyatibo, maaari raw pumili ang mga interesadong OFW ng negosyong papasukan nila depende sa kanilang expertise.
Isasalang sila ang mga ito sa test para malaman ang kanilang entrepreneurial competencies.
Magkakaroon din ng access ang mga OFWs sa mga laboratoryo at pilot plants, na i-uugnay sa network organizations at advisers na tutulong sa kanila para sa business plan.
Naglaan ng P5-milyong pondo ang DOST para sa naturang programa sa mga umuwing OFW.