-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nanawagan ng tulong ang mga guro ng Kiantay Elementary School sa Barangay Upper Sepaka, Surallah South Cotabato matapos na magkabitak-bitak at nasira ang kanilang mga silid-aralan dulot ng soil erosion na dala ng ilang araw na pagbuhos ng ulan sa nabanggit na lugar.
Ito ang inihayag n MDRRMO Leonardo Ballon ng bayan ng Surallah sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Ballon, agad silang nagsagawa ng assessment kasama ang Engineering Office upang malaman ang kabuuang pinsala at ang posibilidad na hindi muna buksan ang nabanggit na paaralan.

Kabilang sa mga nasira at hindi na magamit ay ang Principals office, SBM showroom, Kindergarten at Grade 1 classroom.
Maging sa ground ng paaralan ay makikita ang mahahabang mga bitak sa lupa.

Kaninang hapon lamang nang maglabas ng inisyal na assessment ang MDRRMO at mga kinatawan ng Surallah Engineering Office at inirekomenda ang total evacuation dahil sa ang lokasyon ng mga gusali ay nasa “hazard prone area”.

Hindi na rin pinayagan ang pagpasok ng mga guro at estudyante dahil sa malaking posibilidad ng landslide.

Sa ngayon, aasahan ang dagdag na assessment ng Mines and Geoscience Bureau –Department of Environment and Natural Resources (MGB-DENR) at ang magiging rekomendasyon ng mga ito.

Napag-alaman na tumatayong head teacher ng nabanggit na paaralan si Mr. Marlo Espiritu.