Nakatakdang maglunsad ang Land Transportation Office (LTO) ng electronic version ng driver’s license bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap nito tungo sa digitalisasyon ng lahat ng kanilang mga serbisyo.
Ayon kay LTO chief JayArt Tugade, magsisilbi ang digital license bilang isang alternatibo sa physical driver’s license card sa pakikipagtulungan sa Department of Information and Communications Technology (DICT).
Aniya, ang bentahe ng digital license ay maaaring ipresenta ito ng mga motorista sa mga law enforcement officers kapag sila ay nahuli katulad din aniya ito ng physical driver’s license.
Ang digital license ay bahagi ng kasunduan sa pagitan ng LTO at DICT noong Marso ngayong taon na nakatutok sa pag-enhance ng digitalisasyon ng sistema at mga proseso sa ilalim ng LTO.
Ayon kay Tugade, ang digital license ay isasama sa super app na kasalukuyang ginagawa ng DICT.
Layunin nito na mapalitan ang Official receipt (OR) habang kasalukuyang nakaimprinta sa papel ang temporary driver’s license.
Maaari ding magamit ang digital license para sa iba’t ibang mga transaksiyon sa ahensiya kabilang ang license at registration renewals gayundin para sa online payments.
Tiniyak din ng LTO chief sa publiko na ang existing security features ng driver’s license ay maisasama sa digital license bilang karagdagan sa security measurea ng super app.