-- Advertisements --
NAIA

Sinimulan na ng Manila International Airport Authority at Manila Electric Company ang kanilang electrical audit sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.

Ito ay kasunod ng naranasang power outage sa nasabing paliparan kamakailan lang.

Ayon kay MIAA officer-in-charge Brayan Co., inaasahang matatapos ng mga kinauukulan ang kanilang pag o-audit sa loob ng tatlong linggo.

Layunin aniya nito na alamin ang mga kagamitang kinakailangan sa NAIA Terminal 3 upang gawing mas reliable at resilient ang power system nito.

Bukod dito ay aalamin din ang timeline at ang halaga ng budget na kinakailangan ng MIAA para sa pagbili ng mga critical components ng electrical facilities at generator sets ng paliparan, at gayundin ang pagpapatupad ng mga power systems uprade.

Kaugnay nito ay kinokonsidera rin ng MIAA ang pag-upa ng mga generator set upang mas mapataas pa ang kapasidad ng backup power ng Terminal 3.

Kung maaalala, una nang ipinaliwanag ng Meralco na ang naranasang power outage ay dahil sa pagpalya ng circuit breaker ng paliparan nang dahil sa isang “fault current”.

Ang insidenteng ito ay nagresulta sa kanselasyon ng maraming flights na nagdulot naman ng pagkadismaya sa maraming mga pasahero.