Target ng Church-based poll watchdog group na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na makakuha ng 250,000 volunteers para magbantay sa nalalapit na barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre ngayong taon.
Ayon kay Arwin Serrano, national coordinator ng election watchdog nasa kalagitnaan na sila ng paghahanda para sa naturang local election subalit hindi aniya inaasahang maidedeploy 100% ang kanilang poll body watchers hindi tulad sa midterm elections.
Ang inaasahang bilang na volunteers ng election watchdog ay mas mababa kumpara sa mahigit 400,000 volunteers na ipinakalat sa buong bansa noong nakalipas na presidential at vice presidential elections.
Aniya, ang pagbaba sa bilang ay dahil marami sa mga volunteer ang may kaugnayan sa mga kandidato kung saan sinusuportahan nila ang kanilang mga kamag-anak, kapitbahay o kaya naman ay mga kaibigan na tumatakbo kapag ganitong barangay at SK elections.
Dahil sa non-partisan ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting, kailangang umalis muna ang mga ito bilang volunteers.
Sa kabilang banda naman, kapag ganitong limitado lamang ang kanilang tauhan, nakadepende na lamang sila sa regular citizens at pinagiikot o roving ang kanilang mga volunteer.
Ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting ay isa sa accredited citizens’ arm groups ng Commission on Elections (Comelec) sa idinaos na halalan noong Mayo 2022.