-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Nagbabala ang election watchdog na Kontra Daya laban sa ilang mga politiko na sinasamantala ang pag-aalburuto ng Bulkang Mayon upang maagang mangampanya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Kontra Daya Convenor Danilo Arao, kinakailangan na maging mapagmatyag ang publiko dahil sa posibilidad na magkaroon ng premature campaigning lalo pa at papalapit na ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections ngayong Oktubre.

Wala umanong problema sa pagbibigay ng tulong sa mga apektadong residente subalit hangad nito na huwag namang gamitin sa pamomolitika ang sitwasyon.

Dagdag pa ni Arao na kung magbibigay ng tulong ay hindi na kaylangan pa na lagyan ng pangalan o mga larawan kung talagang ang pagtulong ang iniisip at hindi ang pangsariling interes.

Panawagan rin ng opisyal na magkaroon sana ng delicadeza ang ilang mga nagpapalapad ng papel sa pagtulong sa Mayon evacuees.