-- Advertisements --

Nais ngayon ng kilalang election lawyer na si Atty. Romula Macalintal na agad aksiyunan ng Supreme Court (SC) ang kanyang petisyon na kumukuwestiyon sa pagpapaliban ng halalan na isasagawa sana sa Disyembre ngayong taon.

Ayon kay Macalintal, naghain ito ng extremely urgent motion sa Korte Suprema upang igiit ang paglalabas ng temporary restraining order (TRO) o status Quo Ante Order laban sa pagpapatupad ng pagpapaliban ng barangay at Sangguniang Kabataan (SC) elections ngayong 2022.

Kasama sa kanyang mosyon ang hirit sa Korte Suprema na atasan ang Commission on Elections (Comelec)na ipahinto ang RA11935 o ang batas na nagpapaliban sa halalan sa dating planong Setyembre at ipinagpaliban sa Oktubre 2023.

Dapat din umanong atasan ang komisyon na ituloy ang kanilang calendar of activities at iba pang mga paghahanda sa halalan.

Ito ay dahil nakagastos na rin naman ang Comelec sa paghahanda sa halalan.

Iginiit din ni Macalintal ang bahagi ng memorandum ng Office of the Solicitor General na pinangungunahan ni Solicitor General Menardo Guevarra.

“To remove what had so far become the practice of postponing barangay elections and, in the process extending the term of barangay officials thru piecemeal election postponement legislations which pose an even greater threat to democracy at the grassroots,” base pa sa memorandum ng Office of the Solicitor General.

Dagdag pa ni Macalintal, isa raw sa mga sponsors sa batas na si Senator Imee Marcos ay sang-ayon na ang paulit-ulit na pagpapaliban sa barangay and SK polls ay naaabuso na.

“Thus, I asked the SC that pending resolution of my petition the Comelec be directed to resume its timeline of activities and its preparation to hold the elections in May 2023,” ani Macalintal.

Una nang kinuwestiyon ni Macalintal ang legalidad ng batas na nagpapaliban sa December 2022 polls.