Iniulat ng National Irrigation Administration na posibleng umabot mahigit isang milyong metriko tonelada ng palay at bigas ang maging production loss ng bansa sa taong 2024 nang dahil sa banta ng El Niño phenomenon.
Ayon kay NIA officer-in-charge Deputy Administrator for Engineering and Operations Sector Josephine Salazar, nasa kabuuang 257,600 hectares ng palayan ang natukoy ng kanilang ahensya na vulnerable sa epekto ng El Niño.
Aniya, karamihan sa mga vulnerable farmlands ay mula sa mga lalawigan ng Central Luzon na tinatayang aabot sa 85,000 ektarya ang apektado.
Sinundan naman ng Soccskargen na may 27,000 ektarya, at Ilocos Region na may 24,000 ektarya ng sakahan na maaapektuhan ng tagtuyot.
Bukod dito ay lumalabas din sa datos na inilabas ng NIA na posibleng umabot pa sa 1.5 million metric tons na palay ang projected output loss ng bansa.
Samantala, kaugnay nito ay ipinanukala na rin naman na ng Department of Agriculture ang pagtatanim ng high-yielding crop varieties, na mas kakaunting tubig ang kinakailangan para makapagpatubo ng palay.
Kasabay nito ay nagsasagawa na rin ng solar-powered irrigation system ang NIA, maging ang pagsasagawa ng alternate wetting and drying technique bilang water-saving technology na makakabawas sa paggamit ng tubig ng mga irigasyon sa mga palayan sa bansa.