-- Advertisements --

Kumpyansa si House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda na mabilis na makakabangon ang ekonomiya ng Pilipinas sa oras na matapos na ang krisis dulot ng COVID-19.

Ayon kay Salceda, ito ay dahil naging mabilis ang pamahalaan sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine sa Luzon bilang hakbang para maiwasan ang pagkalat pa ng COVID-19 sa bansa.

Dahil dito, kumpyansa si Salceda na magiging mas mabilis ang growth rate ng gross domestic product (GDP) ng Pilipinas na three percent kumpara sa ibang mga bansa sa mundo.

Kung hindi kasi ipinatupad ang community quarantine, posibleng babagsak ng 2.27 percent ang GDP ng Pilipinas dahil tinatayang aabot sa P1.157 trillion ang mawawakala sa gobyerno, na posibleng magresulta sa recession.

Kaya mahalaga ayon kay Salceda na pansamantalang pigilan muna ang pagtakbo ng ekonomiya upang sa gayon hindi na lumala pa ang sitwasyon sa Pilipinas.