Umaasa si Pangulong Rodrigo Duterte na mapananatili pa rin ang effective learning sa gitna ng COVID-19 pandemic at pagsisimula ngayong araw ng klase sa mga pampublikong paaralan.
Sa mensahe ni Pangulong Duterte, sinabi nitong sana ay hindi mawala ang pag- asa na kaya pa ring maisakatuparan ang epektibong pamamaraan para matuto ang mga mag-aaral kahit wala sa paaralan.
Ayon kay Pangulong Duterte, hamon ang panibagong set-up hindi lang para sa mga mag-aaral at guro kundi para na rin sa mga magulang ang distance o blended learning para sa basic education program.
Pero sa pamamagitan umano ng pagtutulungan, kayang makamit ang target na mabigyan ng kaalaman ang mga estudyante kahit pa may kinakaharap na isyung pangkalusugan.
Dagdag ni Pangulong Duterte na kahit may pandemya, hindi dapat na ipagkait sa mga estudyante ang karapatan nitong magtamo ng kaalaman at pinupuri niya umano dito ang Department of Education (DepEd) na nagsikap at hindi nagpapigil sa mga hadlang para matuloy ang klase para sa school year 2020-2021.