Hindi muna mamamahagi ng educational assistance para sa mga mag-aaral ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa susunod nilang pamamahagi sa darating na Sabado sa mga lugar na hinagupit ng bagyong Florita.
Ipinahayag ito mismo ni DSWD Sec. Erwin Tulfo sa ginanap na MOA signing sa pagitan ng DSWD at DILG ngayong araw.
Ayon kay Tulfo, sa ngayon ay posibleng i-move muna ng kagawaran sa mga susunod na linggo ang pamimigay ng educational assistance sa mga lugar na apektado ng nasabing bagyo.
Ito ay upang mabigyan ng panahon ang mga apektadong lugar na makarekober mula sa naging epekto ng pananalasa ng kalamidad sa ilang lalawigan sa ating bansa.
Aniya, sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na rin ang kagawaran sa kanilang mga regional directors ukol dito.
Samantala, kasabay ng ginanap na MOA signing ng dalawang kagawaran ngayong araw ay ang kani-kanilang pangako rin na pagtutulungan para sa mas maayos na pamamahagi ng ayuda sa mga mag-aaral sa ating bansa upang maiwasang maulit pang muli ang nangyaring kaguluhan noong nakaraang linggo kung kailan unang isinagawa ng DSWD ang pamamahagi ng educational assistance sa iba’t-ibang panig ng Pilipinas.