-- Advertisements --

Hinimok ni CIBAC Party-list Rep. Eddie Villanueva ang kanyang anak na si Sen. Joel Villanueva na pairalin ang konsensya at pananampalataya sa pagdedesisyon sa gitna ng umiiral na alitan sa Senado.

Sa isang pagtitipon sinabi ng amang Villanueva, na hindi dapat ibatay ng senador ang kanyang mga desisyon sa impluwensiya ng mga kaibigan o kaalyado sa pulitika.

Dagdag pa niya, mahalagang sundin ng kanyang anak ang sa tingin niyang tama at naaayon sa kalooban ng Diyos sa halip na magpadala sa kagustuhan ng iba’t ibang kampo sa politika.

Binigyang-diin ni Eddie Villanueva na hindi kailanman magiging posible na mapasaya ang lahat, lalo na sa gitna ng magkakasalungat na interes sa larangan ng pulitika. Aniya, may iba’t ibang grupo na nagtutulak ng kani-kanilang nais na hakbang, ngunit ang pinakamahalaga ay ang paggawa ng desisyon batay sa sariling konsensya at paninindigan.

Lumabas ang pahayag ng nakatatandang Villanueva matapos ihayag ng senador na handa siyang dumalo sa posibleng special session ng Kongreso na maaaring ipatawag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang matugunan ang nagpapatuloy na sigalot sa liderato ng Senado.

Nauna nang sinabi ng anak na Villanueva na nakaaapekto na hindi lamang sa mga senador kundi maging sa mga empleyado ng Senado ang nagpapatuloy na hidwaan sa Mataas na Kapulungan.

Sa kasalukuyan, si Villanueva lamang ang miyembro ng grupong kinabibilangan ni Sen. Alan Peter Cayetano ang nagpahayag ng kahandaang dumalo sa isang special session kung ito ay ipapatawag.

Patuloy namang inaabangan kung magiging daan ang naturang sesyon upang maresolba ang hindi pa natatapos na usapin sa pamumuno at organisasyon ng Senado.