Kinumpirma ng Department of National Defense (DND) na ilan sa mga tinukoy na Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites ay gagamitin para sa humanitarian at arelief operations partikular sa panahon ng emergencies at natural disasters.
Ayon kay DND Spokesperson Arsenio Andolong, ang ilang tinukoy na EDCA sites ay magiging base para sa humanitarian assistance, disaster relief operations na importante dahil ang bansa ay nakakaranas ng nasa 20 bagyo kada taon at maging ang nararanasang lindol.
“So ito ‘pag nag-preposition ng kagamitan dito, assets that will be used for disaster relief, malaking bagay na iyong EDCA site kung malapit siya doon sa area,” pahayag ni Andolong.
Una ng inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na natukoy na ang apat pang dagdag na EDCA sites at nakatakda na itong iaanunsiyo sa darating na mga araw.
Ang apat na dagdag na EDCA sites ay bukod pa sa limang existing EDCA sites.
Nilinaw naman ni Andolong na ang mga EDCA sites ay hindi gagawing military bases ng America kundi gagamitin bilang storage at warehouse facilities para sa military logistics.
“Nais ko pong i-reiterate ano, liliwanagin ko na ang EDCA sites ay hindi po base militar ng Amerikano iyan. Ito po ay pansamantalang—tulad ng sinasabi ko, bahay lang nila ‘pag pupunta sila rito, pagtataguan ng gamit – maaring iiwan nila iyong kagamitan nila diyan para sa next exercise ay nandidiyan na kasi mas logistically practical iyon. At iyong mga tropa nila na dadating dito ay hindi rin permanente iyon – parang extended training lang,” paliwanag ni Andolong.
Binigyang-diin ni Andolong na ang mga lugar na ito ay strategically located para paigting ang defensive posture ng bansa.
Samantala, nilinaw naman ni Andolong na hindi unlimited ang magiging access ng mga US forces sa mga EDCA sites.
Sinabi ni Andolong ang paggamit ng America sa mga nasabing lugar ay dapat mutually agreed ng dalawang panig.