-- Advertisements --

Posibleng ngayong linggo ilalabas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang magiging desisyon nito kung kailangan pa bang palawigin muli ang Luzon-wide enhanced community quarantine pagkatapos ng Abril 30.

Sinabi ni Sen. Bong Go na nakatakdang makipagpulong si Pangulong Duterte sa mga health experts bukas, Abril 20, hinggil sa kung kailangan pa bang palawigin muli o magkakaroon na lamang ng modified enhanced community quarantine sa Luzon sa gitna pa rin ng banta ng COVID-19 pandemic.

Magugunita na ang Luzon-wide lockdown ay nakatakda sanang matapos noong Abril 13 pa, pero kamakailan lang ay pinalawig ito ng hanggang Abril 30.

Sinabi naman ni Cabinet Sec. Karlo Nograles na kailangan pa rin ang extension ng enhanced community quarantine upang sa gayon ay matukoy ng pamahalaan ang epekto nang pagdeklara nito at para na rin mapataas pa ang health capacity sa Luzon at mga kalapit na lugar.

Ayon kay Go, nais lamang matiyak ng pamahalaan na wala nang buhay ang malalagas dahil sa COVID-19, na mayroong sapat na pagkain ang mga Pilipino, at hindi magdurusa ang ekonomiya ng bansa, at magiging available sa publiko ang mga gamot na kakailanganin.