Tahasang sinabi ni House Deputy Majority Leader at Iloilo Representative Janette Garin na isang malaking kasinungalingan ang palutang ng Makabayan Bloc lawmakers na lalong lumala ang inflation sa sandaling maisakatuparan ang economic charter o pag amyenda sa restrictive economic provision ng 1987 Constitution.
Sinabi ni Garin walang katotohanan ang palutang ng ilang mambabatas na lalong palubhain ang inflation sa bansa.
Ipinunto ng Lady solon na ang primary objective ng economic charter para makahikayat ng mga foreign investors na maglalagak ng negosyo sa bansa na magreresulta ng kompetisyon sa merkado.
Tanong ng mambabatas paano magkaroon ng inflation kung marami ang nagbebenta?
Tiniyak din ni Garin na hindi mangyayari ang political amendments sa Saligang Batas at sinabing karamihan sa mga miyembro ng Kamara ay pabor lamang sa reporma sa Articles XII, XIV, at XVI.
Nitong Miyerkules, inaprubahan ng Committee of the Whole ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 7 pagkatapos ng anim na araw ng mga pagdinig kung saan pinakinggan ng mga mambabatas ang mga testimonya ng mga resource person na dalubhasa sa larangan ng edukasyon, ekonomiya, at batas.
Sabi ni Garin na dadalhin ng Kamara ang RBH No. 7 sa plenaryo para sa deliberasyon sa Marso 11 at umaasa na maipasa ang resolusyon sa ikalawang pagbasa sa Marso 13.
Muling iginiit ng mambabatas na ang RBH No. 7 ay makatutulong sa pagpapabuti ng buhay ng mga Pilipino dahil magkakaroon ng mas maraming oportunidad sa trabaho, mas mataas na suweldo, at abot-kayang utility kung ang mga dayuhang mamumuhunan papasok sa bansa ang mga dayuhang mamumuhunan at iginiit na ang reporma sa Saligang Batas ay nakatuon lamang sa pagbubukas ng ekonomiya.
Siniguro rin ni Garin na hindi maglolokohan sa plenaryo ang mga mambabatas at ang masusunod ay ang boses ng taumbayan at mga miyembro ng Kongreso kaya walang dapat ikatakot.