Naniniwala si Camarines Sur Rep. Luis Reymund Villafuerte na patay na sa Kongreso ang panukalang economic Charter change (Cha-Cha) makalipas na hindi ito binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA).
Kahapon, umapela si Pangulong Duterte sa Kongreso na aprubahan ang amiyenda sa Public Service Act, Foreign Investment Act, at Retail Trade Liberalization Act.
Nagpapakita lamang ito na hindi nakikita ng Malacanang na solusyon ang economic Cha-Cha para matugunan ang samu’t saring problema sa ekonomiya, ayon kay Villafuertte.
Kahit nga aniya ang Senado ay tila wala rin sa “mood” para atupagin ang economic Cha-Cha.
Ito ay kahit pa aprubado na sa Kamara ang Resolution of Both Houses No.2, na ayon sa ilang mga mambabatas ay magpapasok ng mas marami pang foreign direct investments sa bansa.
Pero ayon kay Villafuerte, ang tatlong panukalang batas na binanggit ni Pangulong Duterte ay sapat na para gawing mas bukas ang ekonomiya para makapaghikat ng marami pang mga investors.