Target ng House Committee on Constitutional Amendment na matapos ang kanilang pagdinig sa economic Charter change (Cha-cha) sa lalong madaling panahon.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ng chairman ng komite na si AKO Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin Jr. na dalawa hanggang tatlong pagdinig na lamang ang kanilang idaraos patungkol sa House Resolution of Both Houses No. 2, na inihain ni Speaker Lord Allan Velasco sa pagbubukas ng 18th Congres.
Hangad kasi aniya nila na pagsapit ng Pebrero ay maiakyat na ito sa plenaryo ng Mababang Kapulungan para sa ikalawang pagbasa.
Samantala, nilinaw naman ni Garbin na hiwalay gagawin ang botohan sa pagitan ng dalawang kapulungan ng Kongreso para sa mga itinutulak na amiyenda sa Saligang Batas.
Naayos na aniya ang issue patungkol sa kung paano isagawa ang botohan matapos na lumagda ang lider ng iba’t ibang political parties sa Kamara kamakailan sa isang manifesto of support sa House Resolution of Both Houses No. 2.
Sa pagdinig ng kanyang komite kamakailan, ilang kongresista ang nagrekomendang gawin na lamang joint ang botohan ng mga mambabatas para sa mga proposed amendments sa Cha-cha.
Ayon kay Deputy Speaker Rodante Marcoleta, hindi naman kasi nakasaad sa Saligang Batas na kailangan talagang gawin nang magkahiwalay ang botohan.
Bukod sa mas madali, mas matitiyak aniya na magiging matagumpay ang Cha-cha kung magkasabay ang botohan.
Para maisulong ang Cha-cha, kailangan nang three-fourths vote ng mga miyembro ng Kongreso, na nag-convene bilang Constituent Assembly.










