-- Advertisements --

Nagsampa ng reklamo ang asawa ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Manases Reyes Carpio sa Quezon City Prosecutors Office laban sa mga opisyal ng Bangko Sentral ng Pilipinas, Anti-Money Laundering Council, at mga kinatawan sa House of Representatives.

Partikular na kanyang sinampahan ng reklamo ay si BSP Governor Eli Remolona Jr., AMLC Executive Director Ronel Buenaventura, at mga miyembro ng House Justice Committee na sina Reps. Gerville Luistro, Percival Cendaña, Chel Diokno, at Leila De Lima.

Batay sa pahayag ng kampo ng abogadong si Reyes Carpio, ang reklamo ay patungkol sa paglabag sa Anti-Money Laundering Act, bank secrecy laws, Data Privacy Act.

Inaakusahan ng asawa ni Vice President Duterte si BSP Gov. Remolona at iba pa nang ilegal umanong ibunyag ng mga ito ang ‘classified confidential banking records’.

Giit kasi ng kanilang kampo na ito’y protektado naman sa ilalim ng Republic Act 9160 o ang Anti-Money Laundering Act, Republic Act 1405 o Bank Secrecy Law at Data Privacy Act ng RA 10173.

Dagdag pa nito’y nawalan aniya raw siya ng pagkakataon para makagawa ng legal na aksyon bilang depensa hindi lamang sa kanya asawa, at pamilya, ngunit lalo na pati sa mga nasa banking at financial community.

Naniniwala kasi ang asawa ng pangalawang pangulo na batay sa inamyendahan Anti-Money Laundering Act, ‘absolute’ at ‘no exception’ ang confidentiality at protection ng mga bank records.

Kung maalala, ibinunyag mismo ng Anti-Money Laundering Council sa naganap na pagdinig ng House Justice Committee ang patungkol sa higit 6-bilyon piso ‘suspicous’ at ‘covered’ transaction may koneksyon kay Carpio at bise presidente.

P4.525-bilyon ang pumasok sa kanilang accounts, P1.554-bilyon ang lumabas, habang P791-milyon ang hindi matukoy kung inflow o outflow.

Tinawag naman ng abogadong si Carpio na ang impormasyon isinapubliko ng konseho ay ginamit para sa ‘black propaganda’, at ‘political harassment’ na layon sirain reputasyon ni Vice Pres. Sara, at Duterte Family.

Binigyang diin ng kanyang legal counsel na hindi kasama sa inihaing reklamo ang patungkol sa kung may katotohanan ba ang iprenesentang ‘supsicious transactions’ sa kumite, kundi nakatuon sa mga paglabag sa batas na nabanggit.

Ani Atty. Peter Danao na hindi parte si Atty. Carpio sa impeachment at ito’y pribadong indibidwal.