-- Advertisements --

Naniniwala si dating House Committee on Constitutional Amendments chairman at Deputy Speaker Rufus Rodriguez na kayang tapusin ngayong taon ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang pagtalakay sa mga panukalang amiyenda sa Saligang Batas.

Ito ay kahit pa sa Marso 25 na magsisimula ang Holy Week break ng Kongreso, at sa Mayo 17 pa ang pagbabalik ng kanilang plenary session.

Ilang mga senador na rin kasi aniya ang nagpahayag ngayon ng kanilang suporta sa “lofty goal” ng Resolution of Both Houses No. 2 (RBH 2) na inihain ni Speaker Lord Allan Velasco, na naglalaman ng amiyenda sa restrictive economic provisions ng Saligang Batas.

Sa ngayon, pinagdedebatehan pa lang sa Kamara ang RBH 2, pero sa kabila nito mayroon pa ring sapat na panahon ang Senado para talakayin ito kapag maipadala na ito sa kanila, ayon kay Rodriguez.

Layon ng RBH 2 na bigyan ang Kongreso ng kapangyarihan na baguhin ang constitutional limitations sa foreign participation sa ilang mga sekto ng ekonomiya tulad ng telecommunications, public utilities, media, advertising, at education, maliban na lamang sa mga lupain na tanging ang mga Pilipino lamang ang magmamay-ari.