Nagbabala ang World Health Organization (WHO) nitong Huwebes na mas mabilis kumakalat ang Ebola virus sa Democratic Republic of Congo (DR Congo) kumpara sa alinmang naunang outbreak ng nakamamatay na sakit.
Ayon kay WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus, umabot na sa mahigit 2,000 kaso ng Ebola ang naitala sa bansa, kabilang dito ang 796 na nasawi, dalawang buwan matapos ideklara ang outbreak.
Dahil dito, itinuturing na ito ngayon bilang ikatlong pinakamalaking Ebola outbreak na naitala sa kasaysayan.
Sinabi ni Tedros na mas mabilis ang pagkalat ng kasalukuyang outbreak kumpara sa malalang Ebola outbreak sa DR Congo noong 2018 hanggang 2020, na umabot ng mahigit 10 buwan bago makapagtala ng 2,000 kumpirmadong kaso.
Matatandaang naitala ang ika-17 Ebola outbreak ng DR Congo noong Mayo 15 matapos ang ilang pagkamatay sa lalawigan ng Ituri, isang lugar sa hilagang-silangan ng bansa na patuloy na nakararanas ng kaguluhan dahil sa mga armadong grupo.
Nahihirapan din ang mga awtoridad sa pagtugon sa outbreak dahil sa umiiral na armed conflict sa ilang bahagi ng DRC. Kamakailan lamang, isang Ebola treatment center sa Bunia ang inatake.
Sa ngayon, naitala na ang mga kaso ng Ebola sa limang lalawigan ng DR Congo at maging sa kalapit na bansang Uganda.
Ang kasalukuyang outbreak ay dulot ng bihirang Bundibugyo strain ng Ebola virus, kung saan wala pang aprubadong bakuna o lunas.















