Reading Time: 1 minute
Eagle Riggs 1

Determinado ang TV host/comedian na si Eagle Riggs na managot ang driver ng motorsiklong nakabangga sa kanya sa Palawan nitong madaling araw ng Linggo, August 18.

Ayon kay Eagle o Michael Pangilinan Riggs sa tunay na buhay, gusto niya makulong ang nakabangga sa kanya para magkaroon ng leksyon para sa ibang mga motorista.

Nagngangalang Rey Vincent Pacaldo ang suspek na isang construction worker na sinasabing lasing nang mangyari ang insidente.

Kailangan din aniyang bayaran ng driver ang kanyang hospital bills sa Palawan kung saan naoperahan siya sa binti.

Una rito, nabangga ng motorsiklo si Eagle habang tumatawid sa isang kalsada sa Barangay Bancao-Bancao, Puerto Princesa City, upang bumili lamang ng mineral water.

“Two steps more sa sidewalk na ako, biglang may tumama na lang sa akin na hindi ko alam kung ano. Ang kuwento na lang sa akin ng mga nakakita, ako raw ay umikot at bumagsak, mukha ko raw ‘yung nahulog,” saad nito sa Palawan News.

Nagtungo sa Palawan si Eagle dahil naging host ito sa show ng kanyang kaibigan.

Sa ngayon, nakapagsampa na rin siya ng reklamong reckless imprudence resulting to physical injuries sa local court ng Palawan.