-- Advertisements --

Naghain na rin ng petisyon sa Commission on Elections (Comelec) ang Duterte Youth party-list upang kontration ang substitution ni retired Comelec Commissioner Rowena Guanzon bilang P3PWD nominee.

Nakapaloob sa pagkontra ng Duterte Youth sa substitution ni Guanzon na ang mga dokumento raw ay lagpas na sa November 15, 2021 deadline na itinakda para sa mga voluntary withdrawal.

Ayon sa complaint na pinirmahan ng chairman ng grupo na si Ronald Cardema at kanyang misis na si partylist Rep. Ducielle Cardema, giit ng mga ito na ang substitution ay paglabag daw sa sariling Comelec Resolution 9366 as amended by Resolution 10690.

Bilang kasagutan, sinabi naman ni Guanzon na ang kanyang substitution ay pinapayagan daw ng batas dahil umatras naman ang lahat ng mga nominees ng kanilang partylist.

Nagbanta pa si Guanzon na kanyang kakasuhan ng “unjust vexation” ang mga Cardemas, matapos na akusahan siya na ang hinahabol daw niya ay ang kikitain sa Kongreso.

Sinabi ni Guanzon sa kanyang statement na hindi raw niya kailangan ang pera dahil meron na siya nito.

Naghamon pa si Guanzon sa mga Cardema na kontrahin din nila ang nangyari kay Rep. Rodante Marcoleta na isang substitution din sa nominee ng SAGIP party-list na inaprubahan ng Comelec.