-- Advertisements --

Idinepensa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtatalaga nito sa mga retiradong heneral sa kanyang gabinete.

Ito’y sa kabila ng kaliwa’t kanang batikos na ibinabato kay retired Lt. Gen. Rolando Bautista nang italaga ito bilang bagong kalihim ng DSWD o Department of Social Welfare and Development.

Sa change of Command Ceremony ng Philippine Army sa Fort Bonifacio sa Taguig City kagabi, sinabi ng Pangulo na simple lamang ang kanyang pamantayan sa pagpili ng kaniyang gabinete na dapat ay “honest and competent” sa kanilang tungkulin.

Binigyang-diin ng pangulo na tiwala siyang magagampanan ng mabuti at maayos ni Bautista ang kanyang bagong misyon bilang DSWD secreraty partikular na sa pamamahagi ng tulong sa mga nangangailangan nating mga kababayan.

Ibinida rin ng Pangulo ang ilang dating Heneral na kanyang itinalaga na aniya’y maganda naman ang performance tulad nila Sec. Roy Cimatu sa Department of Environment and Natural Resources, Sec. Eduardo Año sa Department of the Interior and Local Government, at Usec. Eduardo del Rosario sa Marawi Rehabilitation at iba pa.