-- Advertisements --

Umaapela si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kongresista na isantabi muna ang pulitika at atupagin muna ang pagpasa sa 2021 national budget na aabot sa P4.5-trillion.

Pahayag ito ng Malacañang sa gitna ng patuloy na girian sa liderato ng Kamara sa pagitan nina House Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi naman nakikialam o nanghihinasok si Pangulong Duterte sa usaping pangloob ng Kamara pero hindi dapat na balewalain ang budget.

Ayon kay Sec. Roque, umaasa si Pangulong Duterte na magkakaroon ng special session ang Kongreso sa October 13 hanggang 16 para talakayin ang budget.

“May mensahe lang po ag ating presidente, lalung-lalo na po sa mga miyembro ng mababang kapulungan. Hindi po nakikisali, hindi nakikialam sa politika ng mababang kapulungan ang presidente,” ani Sec. Roque.

“Uulitin ko po hindi po naghihimasok, hindi nakikialam ang presidente sa nangyayaring girian para sa pwesto ng speaker diyan po sa mbabang kapulungan. Ang panawagan po niya sa ating mga kongresista:isantabi muna po ang pulitika para maipasa po natin ang proposed 2021 budget,” ani Sec. Roque.

Una nang inihayag ni Pangulong Duterte na hindi katanggap tanggap na maantala ang budget dahil nakasalalay dito ang recovery at rehabilitation plan ng pamahalaan sa COVID-19 pandemic.

“Inaasahan po ng ating Presidente na alinsunod sa kanyang proclamation, magkakaroon po ng special session ang mababang kapulungan mula 13 hanggang 16 ng buwang ito.”

“Ang panawagan po ng presidente sa ating kongresista, itigil na po ang pulitika, ipasa ang national budget at hindi po nakikisali, naghihimasok ang presidente sa pagpili ng house speaker na sana po isantabi na muna ng umusad ang proseso ng pagapsa ng national budget. Yan lang po maraming salamat po sa ating mga kongresista and the Presidente looks forward to your utmost cooperation,” dagdag ni Sec. Roque. (with reports from Christian Yosores)