-- Advertisements --

Inaatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na hanapan ng solusyon ang problemang kinakaharap ngayon ng mga Pilipinong nais magpabakuna kontra COVID-19.

Partikular na tinukoy ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang public address kasama ang mga miyembro ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ngayong gabi ay ang ulat ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. hinggil sa pagpila pa rin ng publiko para magpabakuna sa kabila ng mga pagbaha sa mga nakalipas na araw dulot ng matinding ulan na pinakawalan ng habagat.

Ayon kay Pangulong Duterte, kawawa ang mga pumipila sa mga vaccination site sa harap ng masamang lagay ng panahon.

Ang iba pa nga aniya ay alas-4:00 pa lang ng umaga nakapila na at inaabot naman ng mahabang oras bago tuluyang makapagpabakuna.

Sinisisi ni Pangulong Duterte ang problema na ito sa mga local government units, na kailangan aniya ay makagawa ng ‘sane process’ sa pagbabakuna simula sa ngayon.

Kung titingnan, “common sense” lang naman aniya ang kailangan para masabi na hindi tama na hayaang pumila ng maaga ang publiko, pabayaan na maulanan at magtampisaw sa baha, at maging exposed sa iba’t ibang uri ng sakit katulad ng leptospirosis at trangkaso.

Para maiwasan ito, kailangan aniya na simula ngayon ay ikonsidera na rin ng mga LGUs ang lagay ng panahon at alternatibong lugar kung saan maaring idaos ang pagbabakuna kapag magkaroon man ng aberya tulad ng pagbaha.

Kung tutuusin nga, masuwerte pa ang Pilipinas dahil nanatiling maayos pa rin ang takbo ng vaccination program dahil hindi nagkakaroon ng kaguluhan o riot katulad ng sa ibang bansa gaya ng Indonesia at France.

Kaya naman dapat aniyang hindi rin hayaang maging kawawa naman ang mga publiko sa pakikipagtulungan sa pamahalaan sa vaccination program nito.