-- Advertisements --

Nanawagan si Cardinal Antonio Tagle sa mga magulang na gabayan ang mga anak nito matapos ang mga serye ng school violence sa bansa.

Mahalaga aniyang ipakita ng mga magulang at lolo’t lola na sa mga bata ang makataong paraan ng pakikitungo at pagdedesisyon ng tama.

Kauganay nito, lubos na nalulungkot si Cardinal Tagle sa pamamaril sa loob ng isang paaralan sa Zamboanga City na ikinasawi ng dalawang estudyante.

Ayon kay Tagle, kakarating lamang niya mula Papua New Guinea noong Martes nang unang mabalitaan ang insidente sa Ateneo de Zamboanga University.

Sa kanyang misa sa Parish Church of the Holy Sacrifice sa University of the Philippines Diliman, nagtanong ang kardinal kung ano ang maaaring nagtutulak sa isang bata para gumawa ng karahasan.

“Ano kaya ang nagyayari sa isang puso ng isang bata na magpaplano? Ano ang hangad ng ganyang puso?” ani Tagle.

Ayon sa kardinal, mahalagang magkaroon ng tunay na ugnayan ang mga miyembro ng pamilya, lalo na sa loob ng tahanan, sa halip na puro cellphone ang kanilang pinagkakaabalahan.

Binigyang-diin din niya na hindi dapat umasa nang labis ang mga bata sa video games at AI bilang gabay sa kanilang mga desisyon, dahil wala itong tunay na damdamin.

Dagdag pa ni Tagle na bago gumawa ng desisyon, dapat itanong ng bawat isa sa sarili kung anong uri ng puso ang nagtutulak sa kanila para gawin iyon.