-- Advertisements --

Nilinaw ng Malacañang may naitabi nang budget si Pangulong Rodrigo Duterte para pambili ng bakuna laban sa COVID-19.

Pahayag ito ng Malacañang matapos sabihin ng World Health Organization (WHO) na maaring maging available na sa merkado ang bakuna sa katapusan ng taon.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, batid na ng pamahalaan ang mekanismo sa pagbili ng bakuna.

Ang Philippine International Trading Corporation (PITC) ang bibili ng bakuna at ang Land Bank of the Philippines (Landbank) at Development Bank of the Philippines (DBP) ang magfi-finance.

“Ay naitabi na po natin ang budget para sa pagbili ng Covid-19 [vaccine]. Alam na natin ang mekanismo. PITC (Philippine International Trading Corp.) ang bibili po niyan at ang magfi-finance po ay ang LandBank at DBP at bibili po tayo ng dosage, dalawang dosage para sa 20 million na pinakahirap nating mga kababayan. Mauuna po ang mga mahihirap,” ani Sec. Roque.

Una nang sinabi ng Malacañang na P2.5 billion ang inilaang pondo ng pamahalaan para ipangbili ng bakuna.