Inanunsyo ng Department of Education (DepEd) na kanila munang ipinagpapaliban ang nakatakdang pagbubukas ng klase sa Agosto 24.
Ayon kay DepEd Sec. Leonor Briones, batay sa natanggap nilang memorandum mula sa tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte ay iuurong na ang school opening sa Oktubre 5.
“As per the memorandum of the president, he has given approval to the recommendation of DepEd. Thus, we will now implement such a decision to defer the school opening to October 5 pursuant to Republic Act No. 11480,” wika ni Briones.
Sinabi ni Briones na gagamitin daw nila ang panahon para ayusin ang ilang mga problema, partikular sa logistics bunsod ng pagsasailalim ng Metro Manila at ilang mga karatig-lalawigan sa modified enhanced community quarantine (MECQ).
Inatasan naman ng kagawaran ang mga lugar na wala sa MECQ na ipagpatuloy ang kanilang mga isinasagawang orientation, dry run, at paghahatid ng learning resources para maging handa na sa bagong petsa ng pasukan.
Umaasa naman si Briones na ito na raw ang huling gagawing adjustment sa school opening.