-- Advertisements --
DUQUE VACCINE 4
IMAGE | Health Sec. Francisco Duque III/DOH-MRU

MANILA – Sang-ayon si Health Sec. Francisco Duque sakaling ma-extend ang modified enhanced community quarantine (MECQ) sa mga lugar na sakop ng NCR Plus bubble.

Kasunod ito ng nalalapit na pagtatapos ng ipinatupad na MECQ sa NCR, Cavite, Laguna, Rizal, at Bulacan sa April 30.

Ayon kay Sec. Duque, baka kailangan pa ng hanggang dalawang linggong extension ng MECQ dahil hindi pa tuluyang humuhupa ang sitwasyon sa mga ospital.

Nababahala ang kalihim na kung luluwagan na ang quarantine classification ng NCR Plus, kung saan naitatala ang pinakamataas na bilang ng mga bagong kaso ng COVID sa nakalipas na mga buwan, ay sisirit na naman ang numero ng impeksyon.

“Ipagpatuloy muna natin ang MECQ para kitang-kita o malaki ang pagbaba ng mga bagong kaso at magkaroon ng reversal ng trend,” ani Duque sa interview ng Teleradyo.

Binigyang diin ng Health department na malaki ang papel ng healthcare utilization rate sa magiging desisyon ng pamahalaan sa susunod na quarantine status ng buong bansa.

Sa ngayon, hindi pa raw masyadong nagbabago ang sitwasyon sa mga ospital, bagamat may pagbaba na sa bilang ng mga naka-admit sa mga pagamutan.

“Kailangan kasi nakaka-manage na ‘yung healthcare system natin bago tayo unti-unting magbukas and this would be paramount in our decision that would be made by IATF by tomorrow,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa interview ng ANC.