MANILA – Inawat ni Sen. Bong Go ang turuan nina Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. at Health Sec. Francisco Duque III ukol sa naunsyaming deal sana ng pamahalaan sa COVID-19 vaccine ng kompanyang Pfizer.

Sa isang panayam, sinabi ng Senate Committee on Health chairman, na imbis na magsisihan ang dalawang Cabinet officials, ay dapat magtulungan na lang kung paano ibabalik ang tiwala ng publiko sa bakuna.

“Kesa magturuan at mag away-away, you are serving one administration, success ng administration ang pinag-uusapan, magtulungan na lang kayo. Gusto niyo ipakita niyo sa publiko na kapag meron nang vaccine, sabi ko nga kina Sec. Galvez at Sec. Duque, kunin niyo ang kumpyansa ng taumbayan,” ani Go sa interview ng Super Radyo DZBB.

Magugunitang naglabas ng sama ng loob si Locsin dahil hindi na raw matutuloy ang pagdating sana sa Enero ng 10-milyong dose ng Pfizer vaccines.

Dahil daw kasi ito sa isang opisyal na bigong aksyunan agad ang isang mahalagang dokumento.

Bagamat walang pinangalanan ang Foreign Affairs chief, agad dumepensa si Duque at sinabing wala namang nagkamaling opisyal.

Pero nakisawsaw na rin sa issue si Sen. Panfilo Lacson at kinaladkad ang pangalan ng Health secretary, matapos niyang makausap si Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez.

Ayon kay Sen. Go, na dating special assistant ni Pangulong Duterte, hindi pag-aaway-away ang kailangan ngayon ng publiko.

Pinayuhan ng senador si Duque na ipaliwanag na lang ng maayos sa publiko ang naging negosasyon sa Pfizer para matapos na ang issue.

Sa ngayon, tiwala pa rin naman daw ang pangulo sa Health secretary kahit ilang beses nang nakaladkad ang pangalan nito sa mga kontrobersya.

Tulad ng umano’y ninakaw na pondo sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), at pekeng dialysis claims noong nakaraang taon.