Tinawag ni Senate committee on economic affairs chairperson Sen. Imee Marcos na mapangahas ang patakaran ng mga economic managers ng bansa na ipaubaya na sa pribadong sektor ang inisyatibo sa paglikha ng mga economic zones para makahikayat ng mga foreign investment.
Lumabas ang patakarang ito sa kasagsagan ng pagdinig ng komite na tumatalakay sa mga panukalang batas para sa pagtatayo ng mga bagong ecozones at freeports sa Ilocos Norte, Cavite, Surigao del Sur at Saranggani provinces.
Sinabi ni Marcos na natuklasan niya sa hearing na nasa 84 ecozone sa bansa ang mula sa inisyatibo ng pribadong sektor, alinsunod na rin sa testimonya ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA).
Binanggit din sa hearing ni Department of Finance (DOF) policy and research director Juvy Datufrato na intensyon ng ahensya na ilipat na sa pribadong sektor ang pinansyal na pasanin ng gobyerno sa isyung ito.
Sinabi ng mambabatas na nawawalan tuloy ng pagkakataon na kumita at makalikha ng maraming trabaho ang mga lokal na pamahalaan dahil sa sistema ng mga ecozones.