Umapela sa publiko ang Department of Education (DepEd) na tigilan ang paninisi sa kagawaran bunsod ng dumadaming kaso ng suicide sa mga kabataan.
Sa isang pahayag, sinabi ng DepEd na hindi ang distance learning at paggamit ng modules ang dahilan kung bakit may mga kabataang nagpapakamatay sa mga nagdaang araw.
Nagbabala rin ito sa ilang indibidwal at grupo na sinusubukang siraan ang ginagawang hakbang ng DepEd upang ipagpatuloy ang edukasyon ng mga mag-aaral ngayong taon dahil sa coronavirus pandemic.
Hindi raw sila maaaring sisihin kung bakit nagpapakamatay ang mga estudyante at guro.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, wala umano sa mga kaso ng suicide ang direktang nagsasabi na dahil sa distance learning o self-learning modules kung bakit binawi ng biktima ang kaniyang sariling buhay.
Dagdag pa ng DepEd, kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang kanilang opisina sa mga naiwang pamilya ng biktima upang mag-abot ng tulong.
Wala ring humpay ang ginagawa ng ahensya na pakikipagtulungan sa kanilang mgma guro, staff at mga estudyante para mabigyan ang mga ito ng mental heath at psychosocial services.
Magugunita na hindi pinayagan ng pamahalaan ang pagsasagawa ng face-to-face classes dahil sa hinaharap na health crisis ng bansa. Dahil sa naturang utos ay napagdesisyunan ng DepEd na ipatupad na lamang ang distance learning approach nang sa gayon ay tuloy pa rin ang edukasyon ng mga mag-aaral.
Gayunman ay nagulat ang lahat sa sunod-sunod na suicide incidents dahil sa umano’y nararanasang pressure ng mga estudyante.
Karamihan din daw sa mga ito ang hirap na sagutan ang mga learning modules at wala ring maayos na internet connection kung kaya’t hindi sila makapag-focus ng maayos sa kanilang online classes.
Para sa agarang mental health support, hinihikayat ng DepEd ang publiko na makipag-ugnayan sa Department of Health’s National Center for Mental Health 24/7 Crisis Hotline numbers.
Maaari ring tawagan ang 0917-833-8727 o 0917-989-8727.
















