-- Advertisements --

Umapela si Trade Sec. Ramon Lopez sa mga negosyante na isailalim sa COVID-19 tests ang kanilang mga empleyado bago payagang makabalik sa kanikanilang mga trabaho.

Ginawa ito ni Lopez bago ang nakatakdang pagtatapos ng enhanced community quarantine sa ilang lugar sa bansa sa mga susunod na araw para isailalim naman sa heneral community quarantine.

Sa isang panayam, sinabi ni Lopez na ang naturang hakbang ay paraan na rin upang makatulong ang mga pribadong kompanya sa mass testing na ginagawa ng pamahalaan upang maiwasan ang tuluyang pagkalat pa ng COVID-19.

Sinabi ni Lopez na maaring magsagawa ng testing ang mga kompanya sa kanikanilang mga empleyado gamit ang PCR testing para malaman na rin kung sino ang dapat na pahintulutang maunang makabalik sa kanilang trabaho.

Ayon sa kalihim, sa oras na tanggalin na ang enhanced community quarantine sa ilang lugar para isailalim ang mga ito sa general community quarantine ay maari nang magbukas o magbalik ang operasyon ng ilang establisiyemento, maliban na lamang sa mga non-essentials, pero dapat mahigipit pa ring sinusunod ang protocols sa COVID-19.