-- Advertisements --

Natanggap na ng House Committee on Justice ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Vice President Sara Duterte, ayon kay panel member Representative Terry Ridon.

Batay sa tala, tumaas ang net worth ni VP Sara mula P71 milyon noong 2022, naging P77.5 milyon noong 2023, at umabot sa mahigit P88.5 milyon noong 2024, na may kabuuang assets na higit P98.4 milyon.

Ayon kay Rep. Ridon, susuriin nila kung makatwiran ang pagtaas ng yaman at kung may “unexplained wealth” o hindi maipaliwanag na yaman.

Binanggit din ng mambabatas ang posibleng isyu sa deklarasyon ni VP Sara bilang stockholder ng isang kumpanya sa Davao City, na umano’y hindi tugma sa kanilang beripikasyon.

Tatalakayin ito sa pagpapatuloy ng pagdinig sa impeachment complaints, kung saan inaasahang dadalo sina Ombudsman Jesus Crispin Remulla, mga kinatawan ng Anti-Money Laundering Council, at dating Senador Antonio Trillanes IV, kasama ang mga opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Securities and Exchange Commission (SEC).