Pinag-aaralan na ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pagpapalawak ng One-Time Abatement Program nito upang maisama ang mga small taxpayers matapos makatala ng 3,929 beneficiaries at P266.79 million na abated taxes at penalties hanggang nitong Oktubre 24, 2026.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza, ipinapakita ng mataas na antas ng availment sa nakalipas na apat na buwan na malaking tulong ang targeted tax relief upang matulungan ang mga negosyante na maayos ang kani-kanilang obligasyon at maisara ang mga matagal nang open cases.
Sa ilalim ng iminumungkahing pagpapalawak, plano ng ahensya na isama sa tax relief ang mga small taxpayers na may annual gross sales na P3 milyon hanggang mas mababa sa P20 milyon, mula sa kasalukuyang sakop na micro taxpayers na may gross sales na mas mababa sa P3 milyon.
Sa umiiral na programa na bukas hanggang Disyembre 31, 2026, ang mga kwalipikadong micro taxpayers na may mga nakabinbing batayang buwis o penalty na hindi lalagpas sa P80,000 bawat taon ay maaari nang mag-apply ng abatement sa pamamagitan lamang ng pagbabayad ng P5,000 abatement fee.
Ang naturang programa ay binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kaniyang 2026 State of the Nation Address (SONA) bilang bahagi ng mga tulong-pinansyal ng pamahalaan sa ilalim ng pagsusulong ng Department of Finance sa pamumuno ni Finance Secretary Frederick D. Go.
Upang mas mapadali ang transaksyon ng publiko, in-update na rin ng BIR ang Offline eBIRForms Package para sa pagbabayad gamit ang BIR Form No. 0605 habang patuloy na nagkakaloob ng asistensya ang mga Revenue District Office sa buong bansa.














