Magbibigay ang Department of Transportation (DOTr) ng libreng parking sa Santolan Station ng Light Rail Transit Line-2 (LRT-2) simula Abril 27, 2024 bilang bahagi ng hakbang upang hikayatin ang mga motorista na gumamit ng pampublikong transportasyon.
Ayon sa DOTr, ipinatupad ang programa kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang makatulong sa mga apektado ng tumataas na presyo ng langis dulot ng krisis sa Gitnang Silangan.
Sinabi ni Transportation Secretary Giovanni Lopez na layunin ng ahensya na mabawasan ang gastusin sa gasolina at oras ng biyahe ng mga motorista sa pamamagitan ng paggamit ng tren.
Bukod sa libreng parking, may 50% diskwento rin sa pamasahe sa LRT-2 para sa mga pasahero, na inaasahang makapagbibigay ng malaking tipid kumpara sa patuloy na pagtaas ng presyo ng diesel at gasolina.
Kinumpirma ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na ang libreng parking ay ipatutupad sa first-come, first-served basis mula 4:00 a.m. hanggang 11:30 p.m. araw-araw.
Upang makakuha ng libreng parking, kinakailangang kumuha ng parking stub mula sa security personnel, ipa-validate ito sa passenger assistance office, at ipakita muli bago lumabas ng parking area.
















