-- Advertisements --

Umani ng espekulasyon sa social media ang aktres-content creator na si Katrina Halili at R&B singer na si Kris Lawrence matapos silang makitang magkasama sa isang Holy Week “reset” trip sa El Nido, Palawan, kasama ang kanilang anak na si Katie.

Matapos ang kanilang hiwalayan noong 2014, muling pinag-usapan ang posibilidad ng reconciliation dahil sa mga magkakasunod nilang posts na nagpapakita ng kanilang bakasyon, kabilang ang island hopping, sunset viewing, at pagkain kasama ang mga kaibigan.

Sa isang video rin na ibinahagi ni Katrina sa social medioa ang makikitang naglalakad siya sa tabing-dagat at isinusulat ang “MR.B,” ang palayaw niya kay Kris. Sa huling bahagi ng clip, makikitang papalapit si Kris sa kanya habang nakatingin.

“Barefoot in the sand. Ocean air. No noise, no stress, just freedom in motion. This is where everything resets,” ayon sa caption ni Katrina.

Si Kris naman ay nag-post din ng larawan nila habang pinapanood ang paglubog ng araw na may caption na, “Some sunsets… you don’t want to end,” kasunod ang isa pang litrato nilang dalawa na magkaharap.

Dahil dito, naglabasan ang mga reaksyon ng fans, kung saan marami ang kinilig at umaasang nagkakaroon ng “comeback” ang dating magkasintahan, lalo na’t madalas silang makitang magkasama kamakailan.

Sa kabila ng mga espekulasyon, wala pang kumpirmasyon mula kina Katrina at Kris tungkol sa muling pagbabalikan.