MCIA, nasa huling yugto na ng paghahanda para sa 48th ASEAN Leaders’ Summit sa Mayo; Mga biyahero, pinapayuhang planuhin nang maaga ang kanilang biyahe
Puspusan na ang paghahanda ng Mactan-Cebu International Airport para sa nalalapit na ika-48 ASEAN Leaders’ Summit na gaganapin ngayong Mayo.
Inihayag ni Julius Neri Jr., General Manager at CEO ng Mactan-Cebu International Airport Authority, nakahanda na ang lahat ng kinakailangang preparasyon upang matiyak ang maayos na pagtanggap sa libo-libong delegado mula sa iba’t ibang bansa sa Timog-Silangang Asya.
Kabilang pa sa mga isinasagawang paghahanda ang pagkukumpuni at pagpapahusay ng VIP lounge sa Terminal 2, gayundin ang patuloy na renovation sa Mactan General Aviation Terminal.
Tiniyak din ni Neri na matatapos sa takdang oras ang mahahalagang proyekto bago dumating ang mga delegado.
Dagdag pa niya, may nakahandang “Plan B” ang pamunuan ng paliparan upang agad na matugunan ang anumang teknikal na problema o hindi inaasahang pangyayari sa panahon ng summit.
Samantala, pinayuhan naman nito ang mga pasahero na magplano nang maaga ng kanilang biyahe.
Paglilinaw pa niya na walang kanselasyon ng mga flights, ngunit maaaring makaranas ng kaunting delay dahil sa mas mahigpit na seguridad at pagdating ng mga high-profile na bisita.
Inaanyayahan din nito ang publiko na maglaan ng sapat na oras sa kanilang biyahe upang maiwasan ang abala habang abala ang Cebu sa paghahanda para sa mahalagang pagtitipon ng mga lider ng ASEAN.
















