-- Advertisements --

Tumaas sa 2 million ang bilang ng mga registered na negosyo sa Pilipinas sa kabila nang nagpapatuloy na COVID-19 pandemic.

Sa pagdinig ng House Committee on Trade and Industry, iniulat ni Trade Secretary Ramon Lopez na bagama’t may mga nagsasarang negosyo bunsod ng epekto ng pandemya ay mayroon pa rin namang mga nagbubukas at nagpaparehistro sa kagawaran.

Kabilang na aniya sa 2 million na registered businesses sa bansa ay ang mga maliliit na negosyo na walang sariling puwesto sa anumang establisiyemento.

Ayon kay Lopez, noong nakaraang taon 1.7 million lamang ang bilang ng mga registered businesses sa bansa.

Umaasa naman ang kalihim na magtuloy-tuloy ang development na ito, at tiniyak din ang tulong mula sa kagawaran katulad na lamang nang pautang.

Isa aniya sa mga patok sa kanilang programa sa ngayon ay ang 13th month loans para sa mga negosyo na kinakapos ng pondo para sa 13th month ng kanilang mga empleyado.

Ang pondo aniya para sa zero interest na pautang na ito ay nanggagaling sa DTI-SB Corporation fund.