Pinakilos na ni Department of Trade and Industry Secretary Alfredo Pascual ang monitoring team nito para suriin kung sumusunod ang supermarkets at groceries sa pagpapatupad ng price freeze sa mga lugar na idineklara sa ilalim ng state of calamity dahil sa nagdaang bagyong Carina at Habagat.
Sa ilalim ng Price Act, lahat ng basic necessities ay awtomatikong nasa price freeze o walang paggalaw sa prevailing prices sa loob ng 60 araw para maprotektahan ang mga mamimili mula sa mapagsamantalang pagtaas ng presyo sa mga bilihin sa panahon ng kalamidad.
Kabilang sa mga basic necessities na binabantayan ng DTI ay ang presyo ng tinapay, canned fish at iba pang marine products, bottled water at containers, processed milk, locally manufactured instant noodles, kape, asin, sabong panlaba, detergent at mga kandila.
Nangako naman ni Sec. Pascual na kanilang sisiguruhing mananatiling abot kaay at accessible ang mga pangunahing bilihin para sa lahat ng mga apektadong residente.
Ayon pa sa kalihim, ang mga mapapatunayang lumalabag sa batas kabilang na ang mga sangkot sa profiteering at hoarding habang nasa state of calamity ay mahaharap sa kaukulang parusa kabilang na ang pagkakakulong.
Maaari namang isumbong ng mga mamimili ang anumang labis na pagpreresyo sa mga bilihin at paglabag sa pamamagitan ng Concumer Care hotline ng DTI na 384 o sa email ng ahensiya na consumercare@dti.gov.ph.