-- Advertisements --

DAVAO CITY – Patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng Department of Trade and Industry sa Davao del Sur matapos makatanggap ng ulat na ilang negosyo at establisyemento ang nananamantala sa pagdadagdag ng presyo sa kanilang mga ibinebentang produkto.

Ayon kay Marivic Placer, DTI provincial consumer protection chief, binigyan na nila ng warning ang ilang tindahan na napatunayang nagtaas ng presyo ng bentang bigas.

Posible raw na makanselahan ang mga ito ng business permit kapag natukoy na hindi suportado ng alin mang DTI order ang kanilang increase.

Nanawagan ang DTI sa mga consumer na bisitahin ang kanilang website para makita ang aprubadong retail prices ng ahensya sa prime commodities.

Batay sa datos ng mga otoridad, nasa 15 mall at department stores sa Digos City at ilan pang lugar sa lalawigan ang ipinasara matapos ang magnitude-6.3 lindol na yumanig nitong nakalipas na linggo.