-- Advertisements --

Tiniyak ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) na handa ang pamahalaan na tulungan ang lahat ng mga kabababayan nating naapektuhan sa pagtama ng malakas na lindol sa lalawigan ng Abra.

Ipinahayag ito ni DSWD Secretary Erwin Tulfo sa kaniyang personal na pagtungo sa lalawigan upang suriin ang kasalukuyang sitwasyon sa nasabing lugar matapos itong ipag-utos mismo sa kaniya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Wala aniyang dapat na ikapangamba ang naapektuhang mga Pilipino dahil sasagutin ng pamahalaan ang hospitalization, burial assistance at iba pang kinakailangang tulong ng mga naapektuhang mamamayan.

Bukod dito ay mamamahagi rin ng foodpacks at sampung libong tulong pinansyal kada sambahayang apektado ang kagawaran.

Magtutulung-tulong din aniya ang iba’t ibang sangay at ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Human Settlements and Urban Development, National Housing, at Pag-IBIG para naman magbigay ng assistance para sa mga structural at residential damage.

Nakahanda na rin ang mga evacuation centers kung sakaling kailangin.

Samantala, sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na rin ang DSWD sa mga central at regional offices nito, maging sa iba ang disaster risk reduction management office upang i-assess naman ang kalagayan ng iba pang apektadong lugar.

Iikutin din nila ang iba pang mga lalawigan na lubhang napinsala ng nasabing lindol.

Una rito ay sinabi na rin ng kagawaran sa isang advisory na naglaan na rin sila ng nasa mahigit isang bilyong pisong halaga ng standby funds at stockpiles ng mga family food packs at iba pang food at non-food items para sa mga biktima ng nasabing malakas na lindol.