CAUAYAN CITY – Inihahanda na ang mga kasong isasampa laban sa isang kawani ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Quirino province na sangkot umano sa paggamit ng iligal na droga.
Sa panayam ng Bombo Radyo kinilala ni police Capt. William Agpalzam, hepe ng Aglipay Municipal PNP, ang naarestong si Reynald Ortega, 40.
Batay sa ulat, hawak ng DSWD official ang operasyon ng iligal na droga hindi lamang sa tinitirhan nitong Brgy. Pinaripad Norte, kundi sa iba pang bayan tulad ng Diffun, Cabaruguis, at Madela.
Ito rin umano ang nagpapatakbo ng illegal drugs sa Jones, at Santiago City, Isabela.
Nasamsam mula sa operasyon ng pinagsanib pwersang Philippine Drug Enforcement Agency regional office 2, Aglipay Municipal Police, at Quirino Police Provincial Police ang isang supot ng pinaghihinalaang dried marijuana na tinatayang nasa P10,000 ang halaga; heated plastic sachet ng pinaghihinalaang shabu na may halaga umanong P5,000; at iba pang drug paraphernalia.
Ikinalungkot ng pulisya ang pagkakaaresto kay Ortega na isang facilitator sa reformation and rehabilitation ng community based rehabilitation program sa Quirino.