Tiniyak ni DSWD Secretary Erwin Tulfo na agad mabigyan ng tulong ang mga kababayan natin lalo na ang mga biktima ng natural calamities.
Isa na dito ang agarang paghatid ng mga relief goods ng DSWD sa mga apektadong residente ng landslide sa Abucay, Bataan.
Batay sa ulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), nagkaroon ng landslide sa Barangay Gabon, Abucay, Bataan, kahapon, Sabado pasado alas-7:00 ng umaga dahil sa walang tigil na ulan.
Ayon sa datos na nakalap ng Disaster Response Management Division ng DSWD FO 3, isang pamilya ang naitalang naapektuhan ng pag-guho ng lupa at isa naman ang naitalang nasawi.
Agad naman na-activate ang Rapid Deployment Team upang i-monitor ang nasabing insidente.
Katuwang ang DSWD Provincial Extension Office ng Bataan at sa tulong ng maagap na koordinasyon mula sa Municipal Social Welfare and Development Office ay na-assess ang mga kailangang tulong at interbensiyon para sa mga biktima.
Personal naman na binisita ni Dir. Venus Rebuldela, Assistant Regional Director for Operations ng DSWD FO III at kasalukuyang concurrent Division Chief ng DRMD, upang ipaabot ang dalawang Family Food Packs, isang Hygiene Kit, isang Family Kit, Isang sleeping kit at sampung libong piso (Php 10,000.00) na burial assistance.
Samantala, maging ang mga residente na apektado ng pagbaha sa Malabon ay agad din nabigyan ng tulong.
Una ng inihayag ng Kalihim na nais niya na agad maramdaman ng ating mga kababayan ang presensiya ng DSWD lalo na sa panahon ng kalamidad.
Pinuri ng Kalihim ang mga tauhan ng DSWD sa Region 3 at maging ang local government units ng Malabon sa pangunguna ni Mayor Jeny Sandoval sa agad na pamamahagi ng ayuda.