-- Advertisements --
DSWD Relief

Naglabas ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng paunang P1 milyon na tulong para sa mga biktima ng baha at iba pang nawalan ng tirahan dahil bagyong “Goring” at habagat sa Western Visayas.

Ayon sa nasabing departamento, ito ay binubuo ng mga pagkain at non-food items na ipinamahagi sa mga pamilya sa Antique, Iloilo, at Negros Occidental.

Nakatanggap ang Negros Occidental ng pinakamalaking bahagi ng relief items na nagkakahalaga ng P560,316 para sa mga biktima sa kabisera ng Bacolod City gayundin sa component city ng Himamaylan.

Ang Iloilo naman ay nakatanggap ng P431,399 na relief items para sa Guimbal, Oton, at Pavia at Antique, P103,412, para naman sa lugar Valderrama.

Tiniyak ng DSWD na makakatanggap ng ayuda ang mga local government units (LGUs) na nangangailangan ng food packs at non-food items.

Sa gitna ng pananalasa ng sama ng panahon, nagpapatuloy ang DSWD sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga pamilya na naapektuhan ng Bagyong Goring sa buong bansa.